Nagtatago ngayon ang 18 umano’y dating miyembro ng Philippine Marine Corps matapos umanong makatanggap ng mga banta sa kanilang seguridad, ayon sa United People’s Initiative (UPI) nitong Biyernes.
Ayon kay UPI Secretary General at retiradong kapitan na si Rey Valeros Jr., kinakailangan umanong hindi muna maging lantad sa publiko ang mga naturang indibidwal dahil sa umano’y banta sa kanilang kaligtasan.
“Dahil sa security threat, kailangan nilang hindi maging visible lagi. Oo, nagtatago sila dahil may threat sa kanilang seguridad,” ani Valeros sa panayam sa dzBB Super Radyo.
Sinabi rin ni Valeros na lahat ng 18 ay nakatanggap umano ng banta, bagaman hindi niya tinukoy ang eksaktong detalye nito. Dagdag pa niya, may sarili umanong paraan ang mga ito upang matukoy kung may banta laban sa kanila.
Ayon pa sa kanya, nagbibigay rin siya ng payo sa mga ito lalo na kapag may napapansing kakaibang galaw o umano’y pagmamanman sa Maynila.
Nauna nang lumutang ang 18 umano’y dating Marines kasama ang abogado nilang si Levito Baligod at inakusahan ang ilang personalidad at opisyal ng pamahalaan na umano’y tumanggap ng pera mula kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.
Gayunman, itinanggi ng mga nasabing opisyal at indibidwal ang mga paratang laban sa kanila. Samantala, sinabi ng Philippine Navy na apat sa 18 ang hindi kailanman naging miyembro ng Philippine Navy o ng Philippine Marine Corps.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kredibilidad at mga pahayag ng mga naturang indibidwal.
Samantala, naghain naman ng kasong perjury si dating senador Antonio Trillanes IV laban sa 18 umano’y dating Marines kaugnay ng alegasyon ng umano’y sabwatan na may kinalaman sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).










