Pagpatay nananatiling pinakakaraniwang uri ng pang-aabuso sa mga ahas sa Naga City at mga karatig-lugar, na pangunahing inuugnay sa takot at kakulangan ng kaalaman ng publiko tungkol sa tunay na katangian at kahalagahan ng mga ito sa kalikasan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Raymund D. Dela Cruz | Team Leader, Naga City Operatives for Basic Rescue of Wild Animals, sinabi nito na karaniwang pinapatay ang mga ahas dahil sa maling paniniwalang lahat ng uri ng mga ito ay mapanganib at makamandag. May ilan din umanong tumitingin sa mga sawa bilang maaaring gawing pagkain o pulutan.

Gayunman, nilinaw ni De La Cruz na hindi lahat ng ahas ay makamandag at hindi rin lahat ay agresibo o kusang umaatake sa tao.

Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga ahas sa ecosystem, partikular sa pagkontrol sa populasyon ng mga daga na nagdudulot ng pinsala sa mga tahanan at sakahan.

Advertisement

Ipinaliwanag din niya na karaniwang nagiging depensibo lamang ang mga ahas kapag nagulat, aksidenteng natapakan o nakaramdam ng banta mula sa tao.

Bilang bahagi ng kanilang mga hakbangin sa pangangalaga sa mga hayop na ito, nagsasagawa ang kanilang grupo ng information and education campaign (IEC) tuwing may snake rescue operation at mga pagsasanay na naglalayong ituro ang wastong paghawak at pag-unawa sa mga ahas.

Samantala, sinabi ni De La Cruz na bagama’t wala pa silang naitatala o natatanggap na malinaw na ulat hinggil sa malawakang ilegal na bentahan ng mga ahas sa Naga City, patuloy pa rin silang nakararanas ng mga insidente ng pagkamatay ng mga ito dahil sa hindi wastong paraan ng paghuli ng mga indibidwal na walang sapat na kaalaman at pagsasanay.

Dahil dito, hinimok niya ang publiko na sa halip na tangkaing hulihin o patayin ang mga ahas, agad na makipag-ugnayan sa NAGA COBRA o sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Naga City, na mayroon ding mga sinanay na snake catcher na maaaring tumugon sa ganitong mga insidente.

Iginiit ni De La Cruz na mahalagang mapalawak ang kaalaman at kamalayan ng publiko upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagpatay sa mga ahas at mapangalagaan hindi lamang ang mga ito kundi maging ang balanse ng buong ecosystem.

Advertisement