Photo © Web

Humiling ang prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) ng paglilinaw mula sa depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa papel ng ilang Pilipinong abogado na sinasabing tumutulong sa kanyang legal team sa pagdinig sa The Hague.

Sa isinampang mosyon noong Marso 6, hiniling ng prosekusyon sa mga hukom ng ICC na obligahin ang defense counsel na ipaliwanag kung ano ang eksaktong papel ng anim na Pilipinong abogado na nauugnay sa depensa ni Duterte.

Sa pagdinig noong Pebrero 23–24 sa The Hague, sinabi ng defense counsel na si Nicholas Kaufman na may mga Pilipinong abogado na “tumutulong at sumusuporta” sa depensa, bagama’t nakaupo lamang ang mga ito sa public gallery ng korte.

Ayon sa prosekusyon, ang naturang pahayag ay maaaring magbigay ng impresyon na ang mga naturang abogado ay opisyal na bahagi ng legal team ni Duterte, na maaaring magbigay sa kanila ng access sa mga confidential na mga dokumento ng kaso.

Advertisement

Dahil dito, hiniling ng mga prosecutor na kumpirmahin ng depensa na ang mga Pilipinong abogado ay hindi opisyal na miyembro ng legal team ni Duterte, walang access sa mga hindi pampublikong dokumento, at hindi rin maaaring magkaroon ng privileged meetings sa kanya sa detention center.

Ayon sa prosekusyon, mahalaga ang paglilinaw na ito upang maprotektahan ang kaligtasan at privacy ng mga biktima at saksi alinsunod sa Rome Statute.

Matatandaang si Duterte ay inaresto noong Marso 11, 2025 matapos dumating mula Hong Kong, kasunod ng warrant ng ICC kaugnay sa imbestigasyon sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga. Inakusahan siya ng korte na umano’y nagtatag at sumuporta sa mga death squad na sangkot sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng droga.

Advertisement