Mahalaga para sa Pilipinas na makakuha ng puwesto sa United Nations Security Council dahil makakatulong ito sa pagtugon sa mga hamon na kinakaharap ng bansa sa West Philippine Sea.
Ayon kay Ambassador Jose Manuel ‘Babe’ Romualdez, malaking tulong sa Pilipinas kung makakakuha ito ng non-permanent seat sa security council ng United Nations, lalo na sa gitna ng mga tensyon sa West Philippine Sea.
Sinabi ito ni Romualdez matapos dumating sa New York City si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos para sa isang working visit kung saan dadalo ang Pangulo sa isang pagtitipon kaugnay ng kandidatura ng Pilipinas sa naturang konseho.
Ayon sa envoy, bagama’t pansamantalang puwesto lamang ang non-permanent seat, malaki pa rin ang magiging epekto nito sa bansa, lalo na sa pagharap sa mga isyu at hamon sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, nakikipagkompetensya ang Pilipinas sa Kyrgyzstan para sa puwesto ng Asia-Pacific region sa council. Kinakailangan ang dalawang-katlong boto mula sa United Nations General Assembly upang makuha ang naturang posisyon.
Samantala, kinuwestiyon ni Sen. Rodante Marcoleta ang layunin ng bansa sa paghangad ng puwesto sa konseho, at tinanong kung ano ang magiging pakinabang ng Pilipinas dito.
Bilang tugon, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na mahalaga ang puwesto hindi lamang para sa interes ng Pilipinas kundi pati na rin sa buong rehiyon.
Aniya, makakatulong din ito upang mapalakas ang kredibilidad ng bansa at maipakita ang papel nito bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan sa pandaigdigang komunidad.














