Inihayag ng Department of Migrant Workers na ligtas ang lahat ng Filipino crew sa dalawang barko na kamakailan ay inatake sa Persian Gulf malapit sa Strait of Hormuz, habang patuloy ang monitoring sa kalagayan ng mga seafarers sa Middle East.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, tatlong barko ang tinamaan ng projectiles o hindi kilalang bagay sa nakalipas na 48 oras, ngunit dalawa lamang ang may kasamang Filipino crew. Ang unang barko ay may 21 Filipino crew at lahat ay ligtas, habang ang ikalawang barko ay may 17 Filipino crew at lahat ay ligtas at kasalukuyang dinadala sa mas ligtas na pantalan. Ang ikatlong barko, isang Thai flagship, ay walang Filipino crew.

Sinabi ni Cacdac na patuloy na minomonitor ng DMW ang kalagayan ng mga Filipino seafarers sa rehiyon dahil sa umiigting na tensyon sa maritime routes sa Persian Gulf. Sa kasalukuyan, may 7,313 Filipino seafarers ang deployed sa Middle East at lahat ay naitala bilang ligtas.

Nanawagan ang DMW sa mga shipowners at manning agencies na protektahan ang mga seafarers at igalang ang kanilang karapatang tumanggi sa deployment sa delikadong lugar. Kapag tumanggi ang seafarers, dapat silang bigyan ng dalawang buwang sahod at libreng repatriation, alinsunod sa international maritime labor arrangements.

Sa nakalipas na dalawang araw, 110 overseas Filipino workers ang nakabalik na sa Pilipinas, at nakahanda ang pamahalaan ng chartered flights para sa higit 300 OFWs na nagnanais ma-repatriate dahil sa sitwasyon sa Middle East.

Advertisement
Advertisement