Hindi napag-usapan ang patuloy na labanan sa Middle East sa naging pagpupulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mga opisyal ng depensa ng United States sa New York City, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na nakatuon ang pulong sa pagpapalakas ng defense partnership ng Philippines at Estados Unidos.
Kabilang sa mga natalakay ang nalalapit na Balikatan Exercises at ang patuloy na pagpapatupad ng Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa.
Sa naturang pagbisita, nakipagkita rin si Marcos kay Eldridge Colby upang talakayin ang pagpapalakas ng koordinasyon at interoperability sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at militar ng Estados Unidos sa Indo-Pacific region.
Muling pinagtibay ng dalawang panig ang kanilang pangako na ipagpatuloy ang kooperasyon upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.














