Inihayag ng partidong Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa Kamara ang panukalang “Ginhawa sa Paghahanap ng Trabaho Act” na layong gawing mas simple, mas mabilis, at mas abot-kaya ang proseso ng pag-aaplay ng trabaho para sa mga Pilipino, partikular ang mga first-time jobseekers at kabataan.
Pinangunahan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, presidente ng Lakas-CMD, ang paghahain ng House Bill No. 8192 na bahagi ng GINHAWA KIT (Kuryente–Internet–Trabaho) legislative package ng partido
Ayon kay Romualdez, layunin ng panukala na bigyan ng konkretong ginhawa ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng gastos sa kuryente, akses sa internet, at mas maraming oportunidad sa trabaho.
Aniya, mahalagang reporma ang panukala upang gawing mas maayos at mas makatarungan ang proseso ng pag-aaplay, habang pinapangalagaan ang oras, dokumento, at gastusin ng mga aplikante.
Kasabay nito, inihain din ng Lakas-CMD ang House Bill No. 8191 na naglalayong magbigay ng pantay na 50 porsiyentong diskuwento sa singil sa kuryente para sa mga kwalipikadong sambahayang minimum wage earner para sa kanilang pangunahing tirahan, kabilang ang awtomatikong lifeline enrollment para sa mga marginalized at vulnerable na konsyumer.
Inihain ang mga panukala nina Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez ng Quezon at Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales.
Ipinaliwanag ni Romualdez na layunin ng “Ginhawa sa Paghahanap ng Trabaho Act” na i-modernisa ang umiiral na First Time Jobseekers Assistance Act dahil hindi na lamang bayarin ang nagiging problema ng mga aplikante kundi pati ang paulit-ulit na hinihinging mga dokumento bago pa man makatanggap ng job offer.
Sa ilalim ng panukala, lilimitahan sa isang makatwirang set ng dokumento ang maaaring hingin sa unang yugto ng aplikasyon. Ipinagbabawal din sa mga employer ang paghingi o pagkuha ng orihinal na civil registry documents tulad ng birth certificate o marriage certificate ng aplikante.
Ipatutupad din ang “No Multiple Clearance Rule,” kung saan hindi na maaaring humingi ng karagdagang police clearance ang employer kung nakapagsumite na ang aplikante ng NBI clearance para sa parehong layunin ng security screening, maliban kung may partikular na batas na nag-uutos nito.
Inaatasan din ang mga employer na malinaw na ilahad sa kanilang job postings o application forms ang mga kinakailangang dokumento upang maiwasan ang biglaang pagdaragdag ng requirements sa proseso ng aplikasyon.
Bahagi rin ng panukala ang pagbuo ng Employment Verification Service na isasama sa eGovPH platform. Ito ay bubuuin ng Department of Information and Communications Technology sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment, Civil Service Commission, at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng QR-enabled verification system, maaaring beripikahin ng mga employer ang piling impormasyon sa job application gamit ang pahintulot ng aplikante upang mabawasan ang paulit-ulit na pagsusumite ng hard copies ng mga dokumento.
Mayroon ding probisyon ang panukala upang matulungan ang mga aplikanteng walang smartphone o maayos na internet sa pamamagitan ng Public Employment Service Offices at iba pang service points kung saan maaari silang kumuha ng verification tokens o printed verification receipts.
Ayon sa mga may-akda, nakahanay din ang implementasyon ng panukala sa CREATE MORE Act na nagbibigay ng karagdagang tax deductions sa mga negosyo para sa gastos sa training at pagpapataas ng labor productivity ng mga bagong empleyado sa unang anim na buwan ng kanilang trabaho.
Mahigit 80 mambabatas mula sa iba’t ibang distrito at party-list groups ang kabilang sa mga co-author ng panukala, na nagpapakita ng malawak na suporta sa hakbang na gawing mas simple at makatarungan ang proseso ng paghahanap ng trabaho sa bansa.













