Muling inihain ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang kanyang panukalang batas na magpapalakas at magpapabago sa umiiral na anti-espionage law, na naglalayong magpataw ng mas mabigat na parusa laban sa paniniktik at paggamit ng makabagong teknolohiya sa ilegal na paraan.

Ayon kay Lacson, matagal na niyang inihain ang panukala ngunit nananatili itong nakabinbin sa komite ng Senado. Layunin ng panukalang batas na itaas ang antas ng parusa sa mga mapapatunayang sangkot sa espionage, dahil sa kasalukuyang batas, mababa lamang umano ang kaparusahan.

Sa ilalim ng panukala, maaaring patawan ng life imprisonment o habang buhay na pagkakakulong na walang parole at multang P5 milyon hanggang P20 milyon ang sinumang masasangkot sa espionage o pakikipagsabwatan sa panghihimasok sa panloob na usapin ng bansa.

Nangailangan si Lacson ng agarang pagpapatibay ng batas kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y aktibidad ng dayuhang espiya na nagta-target sa mga sensitibong impormasyon ng estado ng Pilipinas. Aniya, kritikal na ma-update ang batas upang tugunan ang modernong paraan ng paniniktik at protektahan ang pambansang seguridad.

Advertisement
Advertisement