Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na pagsamahin sa iisang pagdinig ang mga pangunahing personalidad kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control funds, kabilang si dating kongresista Zaldy Co, upang matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Ayon kay Lacson, na siya ring chair ng Blue Ribbon Committee, nais niyang isalang nang sabay-sabay sa pagdinig si Co, ang dati nitong staff na si Orly Guteza, at mga dating sundalo na nagsabing naghahatid sila ng pera sa kanya, upang magkaroon ng direktang paghaharap ng mga testimonya.
Giit ng senador, magkakaugnay ang mga testimonya kaya mas mainam na sabay-sabay silang marinig upang malaman kung sino ang nagsasabi ng katotohanan, kalahating katotohanan, o nagsisinungaling.
May nakabinbing show cause order si Co dahil sa hindi pagdalo sa mga naunang pagdinig. Ayon kay Lacson, maaari siyang humingi ng pahintulot sa Sandiganbayan para makadalo sakaling makabalik ito sa bansa matapos ang kanyang pagkakaaresto sa Czech Republic.
Sinuspinde muna ng komite ang pagdinig sa isyu habang hinihintay ang paglagda ng hindi bababa sa siyam na miyembro sa partial committee report. Ayon kay Lacson, ilang mambabatas umano ang hinihikayat na huwag pumirma sa ulat.
Dagdag pa niya, binago ang rekomendasyon ng report mula sa pagsasampa ng kaso tungo sa rekomendasyon para sa preliminary investigation.
Tiniyak naman ng senador na patuloy nilang itutulak ang imbestigasyon at umaasa silang makakakuha pa rin ng majority support mula sa 17-miyembrong komite.
Samantala, naniniwala si Lacson na mahalaga ang magiging testimonya ni Co sa imbestigasyon, lalo na kaugnay ng umano’y papel nito sa paglalagay at pag-allocate ng pondo sa Department of Public Works and Highways.
Patuloy ding binabantayan ang posibleng pagbabalik ni Co sa Pilipinas sa pamamagitan ng deportation o Interpol processes, dahil wala umanong extradition treaty ang bansa sa Czech Republic.














