Nanawagan ang Petroleum Association of the Philippines (PAP) sa mga power generation companies na gamitin nang lubos ang lokal na natural gas upang makatulong sa pagpababa at pagpapanatili ng presyo ng kuryente sa bansa.
Ayon kay PAP Chairperson Donnabel Kuizon Cruz, may natitirang kapasidad ng indigenous gas na maaari pang gamitin upang mabawasan ang pag-asa sa mamahaling imported fuels.
Itinampok ng grupo ang kahalagahan ng ganap na pagpapatupad ng Republic Act No. 12120 o Philippine Natural Gas Industry Development Act, na naglalayong mapalakas ang domestic gas utilization bilang pangmatagalang proteksyon laban sa volatility ng presyo ng kuryente at langis.
Binanggit ni Cruz na ang Section 38 ng batas ay nagbibigay ng VAT exemption sa indigenous natural gas at kuryente mula rito, na makapagdadala ng karagdagang tipid para sa mga konsyumer.
Ayon sa kanya, mas mura ang lokal na gas mula Malampaya—humigit-kumulang P4.80 kada kilowatt-hour—kumpara sa P10.30 kada kilowatt-hour para sa imported LNG. Sinabi rin niya na ang kasalukuyang tensyon sa mundo, gaya ng krisis sa Iran, ay nagpapaalala sa kahalagahan ng sariling fuel sources tulad ng indigenous gas, langis, at coal.
Ipinahayag din ni Cruz na ang extension ng Malampaya Service Contract noong 2022 ang nagbigay-daan sa mga bagong pagtuklas ng gas wells, kabilang na ang Malampaya East 1, at pinuri ang Department of Energy sa patuloy na pag-unlad ng mga lokal na mapagkukunan ng enerhiya upang mabawasan ang import dependence.









