Pinabulaanan at sinagot ni Atty. Levito Baligod ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla hinggil sa umano’y “delivery” ng mga maleta na sinasabing naganap bago pa ang kasalukuyang pamahalaan.

Sa isang online post, sinabi ni Baligod na tila inamin mismo ng Ombudsman ang nilalaman ng mga salaysay ng mga dating sundalo tungkol sa nasabing isyu.

Gayunman, binatikos ng abogado ang umano’y paglalantad ni Remulla ng impormasyon sa publiko, na aniya’y nagbigay ng kulay pulitika sa usapin.

Ayon pa kay Baligod, hindi umano maaaring ituring na “intelligence information” ang pinanggalingan ng pahayag ng Ombudsman, lalo na’t sinabing ang isa sa mga larawang kaugnay ng “maleta delivery” ay kuha pa umano noong mga nakaraang taon.

Advertisement

Hinamon din ng abogado si Remulla na aminin kung nadagdagan o mas pinaigting ang sinasabing pagdadala ng mga maleta sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. upang hindi umano siya maparatangang nagbubulag-bulagan sa mga alegasyon.

Matatandaang sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Remulla na ang isa sa mga larawang isinumite kaugnay ng “maleta delivery” ay kuha pa noong panahon ng dating pangulong Rodrigo Duterte o noong termino ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Ayon sa Ombudsman, batay sa impormasyon na kanilang natanggap, pera umano ang laman ng mga maletang sinasabing idinideliver. Gayunpaman, nilinaw niyang nagsimula ang mga naturang aktibidad bago pa ang taong 2022 o bago ang kasalukuyang administrasyon.

Sa kabila nito, iginiit ni Remulla na mahalaga pa ring magsumite ng hiwa-hiwalay na salaysay ang 18 dating sundalo upang mapagtibay ang kanilang mga pahayag, bukod pa sa joint affidavit na nauna na nilang inihain sa tanggapan ng Ombudsman.

Advertisement