Photo © web

Umakyat sa ika-29 puwesto ng pinakabagong ranggo ng Women’s Tennis Association (WTA) ang Filipina tennis sensation na si Alex Eala, na siyang pinakamataas na puwestong naabot niya sa kanyang karera sa ngayon.

Naitala ni Eala ang bagong marka matapos siyang umabante ng tatlong puwesto kasunod ng kanyang impresibong kampanya sa BNP Paribas Open sa Indian Wells, California, kung saan nakarating siya hanggang Round of 16 sa kanyang kauna-unahang paglahok sa nasabing torneo na kabilang sa WTA 1000 events.

Sinimulan ng 20-anyos na Pinay ang torneo sa bye sa unang round bago niya tinalo si Dayana Yastremska sa Round of 64. Sinundan pa ito ng panalo laban kay Coco Gauff sa Round of 32 matapos umatras ang Amerikanang manlalaro dahil sa injury.

Gayunman, natapos ang kampanya ni Eala nang matalo siya kay Linda Noskova sa Round of 16.

Advertisement

Dumating ang bagong ranggo ni Eala ilang araw bago ang kanyang pagbabalik sa Miami Open, ang torneo kung saan nagsimulang umangat ang kanyang pangalan sa WTA Tour matapos ang kahanga-hangang performance noong nakaraang taon.

Noong 2025, naging kauna-unahang Filipina si Eala na nakatalo ng mga Top-10 players matapos niyang pabagsakin sina Iga Świątek at Madison Keys sa nasabing kompetisyon.

Inaasahang sisimulan ni Eala ang kanyang kampanya sa Miami Open sa Huwebes habang target niyang mapantayan o malampasan pa ang kanyang naging tagumpay sa torneo noong nakaraang taon.

Advertisement