Lusot na sa Senado ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang bawasan o suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa botong 17-0-0, pinagtibay ng Senado ang Senate Bill 1982 na naglalayong bigyan ng awtoridad ang Pangulo na magpatupad ng pansamantalang tax relief sa fuel products, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo dulot ng tensyon sa West Asia o Middle East.
Sa ilalim ng panukala, kinakailangang magsumite ang Pangulo ng detalyadong ulat sa Kongreso na naglalaman ng batayan ng desisyon, mga layunin ng polisiya, at inaasahang epekto nito sa kita ng gobyerno, inflation, at presyo ng langis. Kabilang din sa ulat ang pagsusuri sa posibleng epekto nito sa merkado at mga hindi inaasahang resulta ng hakbang.
Isinama rin sa panukala ang rekomendasyon kung dapat bang ipagpatuloy, baguhin, o itigil ang pagpapatupad ng tax suspension o reduction.
Iminungkahi ni Senador Risa Hontiveros ang ilang amyenda, kabilang ang pagbibigay-diin na dapat pag-aralan kung mas epektibo ang direktang subsidiya sa transport sector kaysa sa pagbawas ng buwis sa langis. Ayon sa kanya, layunin nitong matulungan ang mga tsuper na makasabay sa mataas na presyo ng diesel at mahikayat silang magdagdag ng biyahe para sa kapakinabangan ng mga commuter.
Nagpasa rin ng kani-kanilang amyenda sina Senador Sherwin Gatchalian at Panfilo Lacson. Iminungkahi ni Gatchalian na obligahin ang mga oil company na magsumite ng buwanang ulat sa Department of Energy tungkol sa presyo ng kanilang produkto, habang inirekomenda naman ni Lacson ang pagbabago sa pamagat ng panukala upang malinaw na tukuyin ang layunin nitong amyendahan ang umiiral na batas sa buwis.
Iginiit naman ni Hontiveros na dapat samahan ang tax relief ng karagdagang pondo para sa targeted subsidies ng mga apektadong sektor at upang matiyak na hindi maaapektuhan ang mahahalagang serbisyo ng gobyerno.
Dahil itinuring na urgent ng Pangulo ang panukala, agad itong naipasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa parehong araw. Inaasahang pagtitibayin ng bicameral conference committee ang pinal na bersyon nito bago ang Lenten break ng Kongreso sa Marso 18.














