Naitala ang patuloy na pagbuga ng lava at pagbuo ng ash clouds sa Bulkang Mayon nitong Miyerkules ng gabi, habang umabot na sa ika-73 araw ang effusive eruption nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon sa PHIVOLCS, namataan ang lava effusion at pagguho sa bahagi ng Mi-isi gully bandang 11:13 ng gabi, batay sa time-lapse video na ibinahagi ng ahensya. Kasabay nito, nagpatuloy ang pagdaloy ng nagliliyab na lava, pagbuo ng pyroclastic density currents (PDC) o “uson,” at pagragasa ng mga bato mula sa bulkan.

Nauna nang naiulat sa umaga ang serye ng mahihinang PDC sa Bonga-Mabinit gully, na nagdulot ng kulay abong ulap ng abo. Ang mga ash cloud na ito ay nagresulta sa pag-ulan ng abo sa ilang komunidad sa timog-kanlurang bahagi ng bulkan.

Dahil sa patuloy na aktibidad, nananatiling nakataas sa Alert Level 3 ang status ng Bulkang Mayon. Mahigpit na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone upang maiwasan ang panganib sa buhay at ari-arian.

Advertisement

Patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon at pinapayuhan ang mga residente sa paligid ng bulkan na manatiling alerto sa posibleng paglala ng aktibidad nito.

Advertisement