Patuloy ang paghahanda ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya para sa nalalapit na Peñafrancia Fiesta, na inaasahang dadaluhan ng mahigit 1 hanggang 2 milyong katao.
Sa naging press conference ni Naga City Mayor Leni Robredo, sinabi nito nahanda na ang mga pangunahing imprastraktura gaya ng Maharlika Highway, na magpapadali sa biyahe ng mga deboto at turista. May sapat na hotel rooms at transportasyon, at tiniyak ng PNP na magpapadala ng augmentation forces para sa seguridad.
Gayunpaman, aminado ang LGU na may mga gastusin pa ring kakailanganin, tulad ng solid waste management, pagtatayo ng tents, at pag-secure ng mga pasilidad. Ang mga ito ay inaasahang sasagutin mula sa pondo ng lungsod.
Samantala, binigyang-diin ni Robredo na bagama’t may mga hamon sa ekonomiya, hindi maaaring ipagpaliban ang selebrasyon dahil ito ay isang relihiyosong festival. Posibleng bawasan ang ilang gastusin sa mga aktibidad na hindi kritikal, ngunit ang mga pangunahing bahagi ng fiesta ay mananatiling buo.
Sa kabila ng tumataas na presyo ng gasolina at iba pang pangangailangan, nananatiling positibo ang mga opisyal na magiging matagumpay ang pagdiriwang ngayong taon.














