Lumapit ang agwat sa 2028 presidential preferences matapos bumaba sa 33% ang suporta kay Vice President Sara Duterte habang umangat sa 21% si Naga City Mayor Leni Robredo, ayon sa bagong OCTA Research survey.
Batay sa Tugon ng Masa survey na isinagawa noong Marso 19 hanggang 25, bumaba mula 38% ang suporta kay Duterte noong nakaraang quarter, habang lumobo ng 13 puntos ang kay Robredo mula 8% patungong 21%.
Dahil dito, lumiit ang lamang ni Duterte mula 30 percentage points noong huling bahagi ng 2025 patungong 12 puntos na lamang sa pinakabagong resulta.
Sumunod sa kanila si Manila Mayor Isko Moreno na may 10%, habang si Senator Raffy Tulfo ay bumaba sa 9% mula 12%. Nanatili naman sa 4% si Senator Bam Aquino.
Ayon sa OCTA, 2% ng mga respondent ay undecided habang 1% ang tumangging sumagot. Samantala, 20% ng mga sagot ay napunta sa iba pang personalidad, na nagpapakita ng malawak at hati-hating preferensya ng mga botante.
Isinagawa ang non-commissioned survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas, na may ±3% margin of error sa 95% confidence level.














