Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine Navy matapos tutukan ng fire control radar ng isang barkong pandigma ng China ang BRP Miguel Malvar habang nagpapatrolya sa loob ng exclusive economic zone ng bansa malapit sa Sabina Shoal.
Iniulat ng Naval Defense Command (NDC) na naganap ang insidente noong Marso 7 habang nagsasagawa ng lehitimong patrol ang BRP Miguel Malvar sa West Philippine Sea. Ayon sa ulat, isang Chinese corvette na may bow number 622 ang nag-target ng fire control radar sa barkong Pilipino.
Tinukoy ng NDC ang aksyon bilang mapanganib at nagpapataas ng tensyon, na bahagi umano ng patuloy na pananakot na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan at soberanya ng mga bansang nasa baybayin.
Galing noon sa international naval exercises sa India ang BRP Miguel Malvar at pabalik na sa Subic, Zambales nang matukoy nito ang radar emissions mula sa nasabing barko ng China.
Agad na nagpadala ng radio challenge ang barkong Pilipino at pinayuhan ang Chinese vessel na lumayo upang maiwasan ang anumang insidente. Bagamat walang sumunod na direktang komprontasyon, sinundan pa rin ng Chinese corvette ang barko ng Pilipinas sa loob ng ilang oras bago ito tuluyang umalis.














