Nanawagan ang Makabayan bloc sa Kamara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tanggihan ang panukalang pagtatayo ng US-backed ammunition factory sa Pilipinas dahil sa umano’y banta nito sa seguridad ng bansa.
Sa pahayag ng grupo, mariin nilang tinututulan ang planong ammunition loading, assembly, at packaging facility, kabilang ang kooperasyon sa missile motor at drone manufacturing sa rehiyon. Ayon sa kanila, hindi ito maituturing na pag-unlad kundi paglahok sa armadong tunggalian.
Kabilang sa mga lumagda sa panawagan sina Antonio Tinio ng ACT Teachers, Sarah Elago ng Gabriela, at Renee Co ng Kabataan, na nagsabing maaaring gawing target ang bansa ng mga kalaban ng Estados Unidos kapag itinuloy ang proyekto.
Iginiit ng grupo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis at epekto ng mga sigalot sa ibang bansa, hindi dapat gawing “logistical extension” ng umano’y war efforts ng US ang Pilipinas. Binigyang-diin din nila na ang produksyon ng armas ay hindi isang neutral na industriya at maaaring magdulot ng panganib tulad ng retaliation, sabotage, at aksidente.
Dagdag pa ng Makabayan bloc, sa harap ng mataas na inflation at kakulangan sa serbisyong panlipunan, hindi umano nararapat na ituon ang ekonomiya sa paggawa ng armas sa halip na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan.














