Nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagbuo ng isang crisis committee upang tugunan ang tumitinding epekto ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ipinag-utos na ng Pangulo ang paglikha ng komite bago pa man ito iminungkahi ng iba, at kasalukuyan na lamang itong isinasapinal ng Malacañang.
Hindi pa ibinunyag ang buong detalye ng komite, ngunit inaasahang tututok ito sa mga problemang kinahaharap ng mga sektor na apektado ng oil price surge, kabilang ang transportasyon.
Samantala, batay sa mga pagtataya ng industriya, posibleng sumirit ang presyo ng diesel ng P16 hanggang P18 kada litro at gasolina ng P9 hanggang P11 kada litro, na maaaring magtulak sa diesel na lumampas sa P120 kada litro sa ilang lugar.
Nauna nang nagsagawa ng transport strike ang ilang grupo upang ipanawagan ang agarang tulong mula sa pamahalaan para sa mga driver at operator na labis na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Bilang tugon, sinimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng cash assistance sa mga apektadong sektor, kabilang ang mga tricycle driver, bilang bahagi ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng patuloy na krisis.














