Humingi ng pasensya at pang-unawa si Elias Mendoza Ibarrientos, Barangay Kagawad at Chairman ng Committee on Appropriations ng San Francisco, Ocampo, Camarines Sur, sa mga residente na hindi nakatanggap ng ayuda matapos ang nagdaang bagyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga, nilinaw ni Ibarrientos na hindi ang kanilang opisina ang pumili kung sino ang dapat mabigyan ng cash assistance para sa mga kabahayang partially at totally damaged. Aniya, lahat ng impormasyon tungkol sa mga apektadong kabahayan ay kanilang ipinasa sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), na siyang nagsasagawa ng beripikasyon at nagtatakda ng mga benepisyaryo.

Gayunman, aminado si Ibarrientos na marami pa ring residente ang nagrereklamo dahil hindi sila nabigyan ng tulong. Dahil dito, nanawagan ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maging mas maayos at organisado ang pamamahagi ng ayuda upang matiyak na lahat ng tunay na naapektuhan ay mabibigyan ng nararapat na tulong.

Advertisement