Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may “distinct possibility” na ma-ground o hindi makabiyahe ang ilang flights mula Pilipinas dahil sa kakulangan ng fuel supply, sa kabila ng pahayag ng gobyerno na wala namang krisis sa enerhiya sa bansa.

Sa panayam na inilabas nitong Martes, sinabi ng Pangulo na nahihirapan na ang mga eroplano na mag-refuel sa ilang bansa, batay sa kanyang pakikipag-usap sa mga stakeholder sa aviation industry.

Ayon kay Marcos, may mga bansang tumatangging magbigay ng fuel sa mga eroplanong galing Pilipinas, kaya napipilitan ang mga airline na magdala ng sapat na gasolina para sa papunta at pabalik na biyahe.

Binigyang-diin niya na mas magiging seryoso ang problema para sa long-haul flights kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon.

Advertisement

Nang tanungin kung magreresulta ito sa pagka-ground ng mga flight, sinabi ng Pangulo na umaasa silang hindi ito mangyayari, ngunit nananatili itong isang malinaw na posibilidad.

Nauna nang inanunsyo ng Cebu Pacific, ang pinakamalaking airline sa bansa, ang pagsuspinde ng ilang ruta at pagbabawas ng flight frequency dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel.

Sa kabila nito, iginiit ng administrasyon na walang nagaganap na energy crisis sa bansa, at sapat pa rin ang suplay ng petroleum products.

Ayon naman kay Communications Undersecretary Claire Castro, ang nararanasan ng bansa ay isang “price disruption” o pagtaas ng presyo ng fuel, hindi kakulangan sa suplay.

Samantala, nauna nang minadali ng Pangulo ang pagpasa ng panukalang batas na magpapahintulot sa pagbawas o pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa langis upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo, ngunit hindi pa ito nalalagdaan kahit isang linggo na mula nang aprubahan ng Kongreso.

Advertisement