Hayagang nanawagan si Volt Bohol, Pangulo ng August Twenty-One Movement (ATOM), na magbitiw na sa puwesto si Senador Alan Peter Cayetano, dahil umano sa nagiging “nakakahiyang” imahe nito sa mata ng ibang bansa.

Kasabay ng kanyang panawagang, “Mag-resign na po kayo, nakakahiya na po tayo sa ibang bansa,” binatikos din ni Bohol ang kampo ni Cayetano sa umano’y paggamit sa pangalan ng yumaong Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at sa simbolismo ng Yellow movement.

Ayon kay Bohol, bahagi lamang umano ito ng estratehiya ng kampo ng senador upang gamitin ang “Laban” sign at ang kasaysayan ng pakikibaka laban sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Aniya, layunin umano nito na gawing mas katanggap-tanggap at kaaya-aya sa publiko ang kasalukuyang pagkontra ni Cayetano sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Advertisement

Binigyang-diin pa ng grupo na si Aquino, bilang isang kilalang lider ng oposisyon na ikinulong noong panahon ng batas militar, ay nakilala sa kanyang paglaban sa pasismo, korapsyon, at kawalan ng pananagutan sa pamahalaan.

Samantala, iniuugnay naman si Cayetano at ang ilang senador na sumusuporta sa kanya sa kampo ng mga Duterte. Kabilang dito si Davao City Mayor Sebastian Duterte, na nagpahayag ng suporta sa posibilidad na maging susunod na Pangulo ng Senado si Cayetano.

Advertisement