Ipinasilip na ng DreamWorks Animation ang trailer ng kanilang paparating na animated film na Forgotten Island, na nagbibigay-pugay sa kulturang Pilipino at pinagbibidahan nina Liza Soberano at H.E.R..

Sa pelikula, ginagampanan nina Soberano at H.E.R. ang magkaibigang sina Raissa at Jo na haharap sa kakaibang pakikipagsapalaran matapos silang mapadpad sa misteryosong isla ng Nakali—isang lugar na pinaninirahan ng mga nilalang mula sa mitolohiyang Pilipino.

Habang tumatagal ang kanilang pananatili sa isla, unti-unting nabubura ang kanilang mga alaala, kaya’t nagsimula silang maghanap ng paraan upang makabalik sa kanilang mundo.

Makikilala rin nila ang karakter na si Raww, isang “weredog” na tininigan ni Dave Franco, at ang kinatatakutang nilalang na Manananggal na binigyang-boses ni Lea Salonga.

Advertisement

Ipinakita sa trailer ang iba’t ibang elementong Pilipino tulad ng jeepney, mga tipikal na komunidad, silid-aralan, at simbolo ng pagkakaibigan gaya ng friendship bracelets.

Kabilang din sa voice cast sina Dolly de Leon, Manny Jacinto, Jenny Slate, Jo Koy, at Ronny Chieng.

Nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ang pelikula sa Setyembre 23.

Ang DreamWorks Animation ay kilala sa mga tanyag na pelikula tulad ng Shrek, Kung Fu Panda, at How to Train Your Dragon.

Advertisement