Umabot na sa mahigit ₱611 milyon ang halaga ng pondong naibalik sa gobyerno kaugnay ng imbestigasyon sa ghost flood control projects, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Batay sa ulat ng Bureau of the Treasury (BTr), kabilang sa nagbalik ng pondo si Roberto Bernardo, dating Public Works Undersecretary, na nag-remit ng kabuuang ₱290 milyon.
Ayon sa DOJ, nagbalik si Bernardo ng ₱140 milyon noong Marso 10, habang ang natitirang ₱150 milyon ay ibinalik niya sa limang magkakaibang tranche mula Enero 13 hanggang Pebrero 13. Siya rin ay nagsisilbing state witness sa imbestigasyon ng umano’y ghost projects.
Samantala, nakapagbalik na rin si Henry Alcantara ng ₱181.379 milyon mula sa kabuuang ₱300 milyon na dapat niyang isauli.
Nag-turn over naman si Gerard Opulencia ng ₱120 milyon, habang ang contractor na si Sally Santos ay nagbalik ng ₱20 milyon noong Disyembre.
Ayon kay Polo Martinez, ang naunang iniulat na ₱360 milyon na naibalik ay umabot na sa ₱611 milyon matapos ang isinagawang valuation.
Patuloy ang imbestigasyon ng DOJ sa nasabing anomalya bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na papanagutin ang mga sangkot at mabawi ang pondo ng bayan.














