Pipiliin ng bagong halal na parliament si Min Aung Hlaing bilang susunod na presidente ng Myanmar ngayong araw, matapos siyang bumaba sa puwesto bilang commander ng armed forces alinsunod sa konstitusyon.

Gayunpaman, nananatiling kontrolado ng militar ang pamahalaan dahil karamihan sa mga miyembro ng parliament ay pawang mga kaalyado niya. Sa isinagawang eleksyon, nakakuha ng halos 80% ng mga puwesto ang Union Solidarity and Development Party (USDP), bukod pa sa nakalaang isang-kapat ng mga upuan para sa militar.

Dahil dito, inilarawan ng mga kritiko ang proseso bilang mas kahalintulad ng isang “coronation” kaysa sa isang malayang halalan.

Itinalaga rin ni Min Aung Hlaing si General Ye Win Oo, isang kilalang hardliner, bilang bagong pinuno ng armed forces. Bukod dito, bumuo rin siya ng isang consultative council na may malawak na kapangyarihan sa parehong civilian at military affairs, na layong panatilihin ang kanyang impluwensiya sa pamahalaan.

Advertisement

Para sa maraming mamamayan, tila walang magbabago sa sitwasyon ng bansa. Ayon sa ilang aktibista, patuloy pa rin ang paghihirap at kawalan ng pag-asa matapos ang serye ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao mula noong coup noong 2021.

Sa nakalipas na limang taon, libo-libong katao ang nasawi, milyon-milyon ang lumikas, at bumagsak ang ekonomiya ng Myanmar. Patuloy rin ang mga ulat ng indiscriminate air strikes ng militar na sumira sa mga paaralan, tahanan, at ospital.

Sa kabila nito, iginiit ni Min Aung Hlaing sa kanyang huling military parade ang papel ng militar sa politika at tinawag ang mga grupong lumalaban sa pamahalaan bilang mga “terorista” na umano’y suportado ng mga dayuhan.

Samantala, nananatiling hindi kinikilala ng National Unity Government ang bagong administrasyon at naninindigang ipagpapatuloy ang kanilang laban upang alisin ang impluwensiya ng militar sa pulitika.

Sa kasalukuyan, higit 16 milyong mamamayan ang nangangailangan ng agarang tulong, habang halos apat na milyon ang patuloy na lumikas, kasabay ng tumitinding kakulangan sa suplay ng fuel at iba pang pangunahing pangangailangan.

Advertisement