Umabot na sa kabuuang 7,137 indibidwal ang nabigyan ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) kasabay ng patuloy na paggunita ng Semana Santa ngayong taon.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas kaninang alas-9:00 ng umaga ngayong Sabado de Gloria, Abril 4, iniulat ng PRC na 6,514 indibidwal ang sumailalim sa vital signs monitoring. Samantala, umabot naman sa 583 ang minor cases na kanilang narespondehan, habang 26 ang naitalang major cases.

Ayon pa sa ulat, 14 na pasyente ang kinailangang dalhin sa mga ospital para sa karagdagang gamutan.

Noong Biyernes, nauna nang iniulat ng PRC na may ilang pasyente ang isinugod sa pagamutan dahil sa mas seryosong insidente tulad ng pagkahulog at pagkawala ng malay. Sa hanay naman ng mga major cases, kabilang sa mga naitala ang mga insidente ng fracture at pagkakagat ng dikya.

Advertisement

Nagbigay rin ng mahalagang suporta ang Welfare Desks ng PRC sa 105 indibidwal, kung saan 52 sa kanila ang nakatanggap ng psychological support.

Patuloy namang nakaantabay ang PRC upang tiyakin ang kaligtasan at agarang pagtugon sa pangangailangan ng publiko sa gitna ng pagdagsa ng mga biyahero at deboto ngayong Semana Santa.

Advertisement