Naitala ang ilang insidente ng jellyfish sting sa Tondaligan Beach sa Dagupan City nitong Linggo ng Pagkabuhay, dahilan upang pansamantalang ipatigil ang pagligo sa nasabing lugar.
Ayon sa mga awtoridad, ilan sa mga biktima ay nakaranas ng allergic reaction at agad na dinala sa ospital para mabigyan ng kaukulang lunas.
Dahil dito, ipinatupad ang pansamantalang pagbabawal sa paglangoy sa karagatan bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga turista.
Ipinaliwanag ng lifeguard team na karaniwang dumarami ang jellyfish sa dalampasigan kapag mainit ang panahon.
Bukod dito, may naitala ring ilang insidente ng near drowning, subalit agad itong narespondehan at walang kinailangang isugod sa ospital.
Samantala, hindi rin umabot sa inaasahang bilang ang mga bumisita sa Tondaligan Beach nitong nagdaang Semana Santa.
Ayon kay lifeguard team leader Ella Oribello, hindi naabot ang 50 porsyento ng target na dami ng bisita mula Lunes hanggang Linggo.
Bagamat may ilang turistang nagmula sa iba’t ibang bayan, nanatiling mas mababa ang bilang kumpara sa mga nakaraang taon kung saan napupuno ang lugar.
Napansin din ang kakulangan ng tao sa mga cottage area, habang mas maraming bisita ang nanatili sa unahang bahagi ng dalampasigan.
Sa kabila nito, tiniyak ng mga lifeguard at kinauukulang ahensya na nananatili silang nakaalerto upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng bumibisita sa lugar.














