Inakusahan ni House Committee on Public Accounts at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon si Vice President Sara Duterte ng panlilinlang sa Supreme Court at sa publiko kaugnay ng inihain nitong petisyon na ipatigil ang impeachment proceedings ng Kamara laban sa kaniya.
Sa isang pahayag, iginiit ni Ridon na nakabatay sa maling paglalahad ng katotohanan at baluktot na interpretasyon ng Konstitusyon at umiiral na jurisprudence ang petisyon ni Duterte. Ayon sa Kongresista, maayos na isinagawa sa plenaryo ng Kamara ang referral ng apat na impeachment complaint noong Pebrero 23, 2026, at hindi lamang ito aksyon ng liderato o komite.
Pinabulaanan din ni Ridon ang pahayag na kailangan ng deliberasyon bago ang referral. Aniya’y walang ganitong rekisito sa Konstitusyon, House rules, o umiiral na desisyon ng korte, at wala ring mambabatas na humiling ng deliberasyon sa nasabing sesyon.
Tungkol sa one-year bar rule, sinabi ng Kongresista na walang paglabag dahil iisang valid referral lamang ang naitala. Dagdag pa niya, may sapat na batayan sa batas ang mga hakbang ng House Committee on Justice, kabilang ang pagdinig at pangangalap ng ebidensya.
Sa kabila ng petisyon, tiniyak ni Ridon na magpapatuloy ang Kamara sa proseso ng impeachment. Inaasahang ilalabas sa Abril 14 ang mga dokumento mula sa Ombudsman, BIR, at SEC, pati na rin ang testimonya ng mga saksi.
Giit ni Ridon, magpapatuloy ang proseso hanggang sa matapos ito upang papanagutin si Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds ng OVP at DepEd noong siya pa ang kalihim ng ahensiya.














