Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara nitong Miyerkules ang kahalagahan ng umiiral na tax incentives upang matulungan ang mga paaralan at pribadong katuwang na makayanan ang tumataas na gastos sa operasyon, lalo na sa gitna ng pandaigdigang economic pressures at tensyon sa Middle East.

Ayon kay Angara, nagsisilbing “buffer” ang mga fiscal measures upang mapanatili ng sektor ng edukasyon ang pamumuhunan sa kalidad ng pagkatuto sa kabila ng pagtaas ng presyo ng fuel, transport, at logistics. Nilinaw ng DepEd na exempt sa income tax ang non-stock, non-profit educational institutions basta’t ang kita ay gagamitin lamang sa edukasyon, habang ang mga proprietary schools ay may 10% preferential income tax rate. Nanatiling VAT-exempt din ang tuition at iba pang educational services.

Ipinagmamalaki rin ng DepEd ang iba pang hakbang tulad ng duty-free importation ng books at learning materials, tax credits para sa renewable energy investments ng paaralan, at Adopt-a-School Program kung saan may 150% tax deductibility ang donations. Para sa workforce development, maaaring makakuha ng 150% deduction ang mga kumpanyang nag-iinvest sa training, na tataas sa 175% pagsapit ng Enero 1, 2028.

Paalala ni Angara, mahalaga pa ring sundin ang tamang dokumentasyon at regulasyon upang mapakinabangan ng maayos ang mga benepisyo. Tiniyak ng DepEd na patuloy nitong palalakasin ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang mapanatiling abot-kaya at dekalidad ang edukasyon sa gitna ng global inflation.

Advertisement
Advertisement