Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatatanggap ng dagdag-sahod ang mga minimum wage earner sa Northern Mindanao at Caraga simula Mayo 1, 2026, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.
Ayon sa Pangulo, ang umento ay bahagi ng ikalawang tranche ng wage increase na ipinatutupad sa dalawang rehiyon.
Sa Northern Mindanao, nadagdagan ng P14 ang arawang sahod mula P485 at naging P500. Nauna nang ipinatupad ang unang tranche noong Enero 16, 2026, na nagbigay ng dagdag na P25 mula P471 hanggang P486.
Sa Caraga naman, umabot na sa P475 ang arawang minimum wage matapos ang dagdag na P20 sa ikalawang tranche. Noong Enero 3, 2026, unang ipinatupad ang kaparehong halagang P20 na nagtakda ng sahod sa P455.
Samantala, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring maglabas ng desisyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region hinggil sa mga nakabinbing petisyon para sa wage increase pagsapit ng Hulyo.
Kabilang sa mga panukala ang P1,200 na arawang minimum wage at P500 na dagdag-sahod.
Sa kasalukuyan, nananatiling pinakamataas ang minimum wage sa NCR na nasa P658 hanggang P695 kada araw, habang pinakamababa naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nasa P366 hanggang P411.
Nagkakaiba-iba rin ang sahod ng mga kasambahay sa bawat rehiyon, kung saan umaabot sa P7,800 kada buwan sa NCR at maaaring bumaba sa P5,000 hanggang P5,500 sa ibang lugar.














