Sinusuportahan ng maraming mga Pilipino ang pagsasagawa ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Batay sa survey na isinagawa mula Marso 19 hanggang 25, lumabas na 69% ng mga adult Filipino ang naniniwalang dapat humarap sa impeachment trial si Duterte upang tugunan ang mga alegasyon laban sa kanya. Samantala, 28% ang tutol at 3% ang hindi tiyak.
Pinakamataas ang suporta sa Visayas na umabot sa 83%, sinundan ng National Capital Region na 81%, at Balance Luzon na 69%. Sa Mindanao, pinakamababa ang suporta sa 61% habang pinakamataas din ang pagtutol sa 38%.
Ayon pa sa resulta, nananatiling mayorya ang suporta sa lahat ng socioeconomic classes, ngunit pinakamababa ito sa Class E sa 54%.
Sa edad naman ng mga respondent, pinakamataas ang suporta mula sa edad 18 hanggang 24 sa 77%, habang 73% sa edad 35 hanggang 44. Mas mababa naman sa 60% ang suporta mula sa edad 45 hanggang 54.
Mas mataas din ang suporta sa impeachment trial sa mga rural area sa 75% kumpara sa urban areas na nasa 63%. Sa kasarian, 70% ng kababaihan ang pabor kumpara sa 68% ng kalalakihan.
Lumabas din sa survey na 87% ng mga respondent ay may kaalaman na sa impeachment case, habang 12% ang hindi aware at 1% ang undecided.
Isinagawa ang non-commissioned survey sa 1,200 respondents na edad 18 pataas sa pamamagitan ng face-to-face interviews, na may ±3% margin of error sa national level.














