Nakatakdang magsagawa ng ocular inspection ang Sandiganbayan Third Division sa Pandi, Bulacan kaugnay ng umano’y “ghost” flood control project na iniuugnay sa kasong kinahaharap ni dating senador Ramon Bong Revilla Jr..

Ayon sa korte, layon ng inspeksyon na suriin ang mga proyekto na sinasabing pinagmulan ng kickback na umano’y natanggap ni Revilla mula sa mga proyektong hindi naman naisagawa.

Isasagawa ang inspeksyon sa Pandi upang alamin ang eksaktong lokasyon, pisikal na pagkakaroon, at kasalukuyang kondisyon ng mga proyekto.

Sinabi ng Sandiganbayan na mahalaga ang hakbang na ito dahil sa magkakaibang pahayag ng mga testigo ng prosekusyon hinggil sa lokasyon ng mga project site.

Advertisement

Matatandaan na nahaharap si Revilla sa kasong malversation of public funds na kasalukuyang dinidinig sa korte, kung saan sangkot din ang ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office.

Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 95 porsiyento nang kumpleto ang pagtalakay sa kaso sa loob lamang ng 21 araw ng pagdinig sa Sandiganbayan.

Advertisement