Pinagtibay ng mayorya ng Senado ng Estados Unidos ang kampanyang militar ni Pangulong Donald Trump laban sa Iran matapos ibasura ang resolusyong pinangunahan ng mga Demokratiko na layong ihinto ang digmaan hangga’t walang pahintulot ng Kongreso.

Sa botong 52-47, nabigo ang Senado na isulong ang war powers resolution na naglalayong limitahan ang kapangyarihan ng pangulo sa pagpapatuloy ng operasyon militar laban sa Iran.

Ipinapakita ng resulta ng botohan ang patuloy na suporta ng mga Republikano sa polisiya ni Trump, mahigit anim na linggo mula nang ilunsad ng Estados Unidos at Israel ang air strikes laban sa Iran noong Pebrero 28.

Ito na ang ikaapat na pagkakataon na nagtangkang magpasa ang mga Demokratiko ng kahalintulad na resolusyon mula nang magsimula ang digmaan, ngunit lahat ay nabigo dahil sa pagtutol ng mga Republikano—maliban kay Senador Rand Paul ng Kentucky na muling bumoto pabor sa panukala.

Advertisement

Samantala, tanging si Demokratikong Senador John Fetterman ng Pennsylvania ang bumoto laban sa resolusyon, habang hindi naman nakaboto si Republikano Senador Jim Justice ng West Virginia.

Iginiit ng mga lider ng Democratic Party na patuloy nilang ihahain ang war powers resolution hanggang sa matapos ang digmaan o tuluyang mabigyan ng pahintulot ng Kongreso ang pagpapatuloy nito.

Ang nasabing resolusyon ay layong tiyakin na ang anumang aksyong militar ng Estados Unidos ay may malinaw na basbas ng Kongreso, alinsunod sa itinakda ng batas hinggil sa kapangyarihan sa pagdedeklara ng digmaan.

Advertisement