Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na mga tunay na magsasaka lamang ang makikinabang sa itinakdang P30 kada kilo na buying price ng palay upang maiwasan ang pang-aabuso ng mga trader at middlemen.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, ang pagtaas ng presyo ng pagbili ng palay ay tugon sa tumataas na gastos sa produksyon at presyo ng fuel na direktang nakaaapekto sa kita ng mga magsasaka.
Upang masiguro na hindi makakasingit ang mga trader, kinakailangang rehistrado ang mga nagbebenta sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture, o kaya ay may sertipikasyon mula sa municipal agriculture office na nagpapatunay na sila ay lehitimong magsasaka.
Nagpatupad din ang NFA ng “farmer’s desk” sa mga buying station upang mabantayan ng publiko ang proseso ng pagbili ng palay, bilang bahagi ng transparency at citizen participation audit. Ilalagay rin sa mga bulletin board ang pangalan ng mga magsasakang nagbenta ng kanilang ani.
Layunin ng ahensya na mapalakas ang buffer stock ng bigas sa bansa, matapos makabili ng mas mababa sa 1% ng target na imbentaryo sa mga nakaraang buwan dahil sa mataas na presyo ng palay sa merkado.
Ipinaliwanag ng NFA na ang mga mabibiling palay ay hindi agad ilalabas sa merkado, kundi itatabi bilang reserba na magagamit sa panahon ng kalamidad, emergency, at kakulangan sa suplay ng bigas.














