Sinentensiyahan ng anim na buwang pagkakakulong ang American livestreamer na si Johnny Somali matapos mapatunayang nagkasala sa mga kasong public nuisance at pagpapakalat ng sexual deepfakes sa Seoul, South Korea.

Ayon sa korte ng South Korea, lumabag ang 25-anyos na si Johnny Somali, na ang tunay na pangalan ay Ismael Ramsey Khalid, matapos siyang mag-post ng video kung saan hinahalikan niya ang isang estatwang sumisimbolo sa mga biktima ng sexual slavery noong World War II at nagsagawa umano ng hindi angkop na kilos sa naturang memorial.

Sinabi ng hukuman na paulit-ulit umanong nagsagawa ng bastos at nakakasagabal na gawain ang akusado sa publiko, na layong kumita sa pamamagitan ng kanyang online content.

“The defendant repeatedly committed crimes against unspecified members of the public to generate profit via YouTube and distributed the content in disregard of Korean law,” ayon sa desisyon ng korte.

Advertisement

Mas mababa ang ipinataw na parusa kumpara sa hiling ng prosekusyon na tatlong taong pagkakakulong. Bukod dito, pinagbawalan din si Khalid na makapagtrabaho sa mga organisasyong may kinalaman sa mga menor de edad at persons with disabilities matapos niyang makalaya.

Nakilala si Khalid bilang isang kontrobersyal na content creator sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Japan at Israel, kung saan naharap din siya sa mga reklamo kaugnay ng umano’y pangha-harass at paglabag sa pampublikong kaayusan.

Nauna na rin siyang pinigilan ng mga awtoridad sa South Korea na umalis ng bansa habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kanyang mga kaso.

Advertisement