Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ang isang makahulugang seremonya ng pagkilala sa dalawang centenarian nitong Abril 17, 2026 sa Conference Room ng Governor’s Office sa Provincial Capitol.

Pinarangalan sina Celestina C. Cerio mula sa Brgy. Masalong, Labo at Zosimo I. Da mula sa Brgy. Lag-on, Daet, na kapwa umabot sa edad na 100 taon. Bilang pagkilala, bawat isa ay tumanggap ng ₱100,000 cash incentive bilang suporta sa kanilang pangangailangang medikal at pang-araw-araw na gastusin.

Dumalo rin sa programa si Don Padilla upang personal na ipaabot ang mensahe ng pasasalamat at patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga nakatatandang mamamayan.

Ang naturang gawain ay bahagi ng implementasyon ng Provincial Ordinance No. 42-2020, na naglalayong kilalanin at pahalagahan ang sektor ng senior citizens. Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang pagbibigay ng insentibo ay hindi lamang pagtupad sa batas kundi isang simbolo ng mataas na paggalang sa mga lolo at lola na nagsilbing haligi ng komunidad sa loob ng mahabang panahon.

Advertisement
Advertisement