Tinanggap ni Ramil Madriaga, isang self-confessed “bagman” na may kaugnayan sa mga impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, ang hamon sa suntukan ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, ayon sa liham ng kanyang abogado.

Sa liham na ipinadala ng kanyang counsel na si Atty. Raymund Palad, sinabi ni Madriaga na siya ay nagulat ngunit “honored” na hinamon siya ng anak ng dating pangulo sa isang pisikal na laban.

Giit ni Madriaga, bagama’t nasa kustodiya at may edad na 58, handa pa rin siyang lumaban sa ilang kundisyon, kabilang ang paglutas muna ng mga kasong kinahaharap niya.

Iminungkahi rin niya na sa halip na sa labas, maaaring idaos ang laban sa kanyang detention area sa Annex 2 ng Camp Bagong Diwa kung saan handa umano siyang makipagsuntukan.

Advertisement

Sinabi rin niya na mas mainam kung kalabanin siya ng kaedad at kaparehong pangangatawan, ngunit hindi pa rin niya isinasara ang posibilidad ng laban kung matutuloy ang naturang kondisyon.

Ang palitan ng pahayag ay kasunod ng naunang hamon ni Mayor Duterte na isang “no holds barred” fight matapos madawit ang kanyang pangalan sa supplemental affidavit ni Madriaga sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban sa Bise Presidente.

Patuloy na umiinit ang kontrobersiya habang inaasahang susunod na hakbang ng dalawang panig ang susubaybayan ng publiko at mga awtoridad.

Advertisement