Muling tiniyak ng Estados Unidos ang kanilang malakas na suporta sa Pilipinas sa gitna ng umiigting na tensyon sa Middle East, kasabay ng pagbubukas ng Balikatan Exercise 2026 nitong Lunes.
Ayon kay AFP Chief General Romeo Brawner Jr., direkta itong kinumpirma ni US Indo-Pacific Command Chief Admiral Samuel Paparo Jr., na nagsabing nananatiling matatag ang suporta ng US at inaasahang ito na ang “pinakamalaking Balikatan” sa kasaysayan.
Mahigit 17,000 sundalo ang inaasahang lalahok sa pagsasanay, kabilang ang 10,000 mula sa Estados Unidos. Samantala, 18 bansa naman ang kalahok bilang mga observer.
Binigyang-diin ni Brawner na sa loob ng mahigit tatlong dekada, patuloy na pinatitibay ng Balikatan ang ugnayan ng Pilipinas at US, na mas naging malawak at mas mahalaga sa kasalukuyang sitwasyon ng seguridad.
Ayon naman sa mga opisyal, ang exercise ay hindi nakatuon laban sa anumang bansa, kundi para palakasin ang alyansa, interoperability, at kahandaan ng mga kalahok para sa seguridad at kapayapaan sa rehiyon.














