Photo © web

Ikinadismaya ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang sunod-sunod na pagbisita ng mga envoy ng Estados Unidos sa Moscow nang hindi man lamang dumadaan sa Kyiv, na aniya ay “disrespectful” sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine.

Ayon kay Zelensky, kabilang sa mga naturang opisyal si Steve Witkoff at si Jared Kushner, na naiulat na nakipagpulong sa Moscow nang ilang ulit kay Vladimir Putin, ngunit hindi pa kailanman nakarating sa Kyiv.

Giit pa ng Ukrainian President, bukas ang Ukraine sa pakikipagpulong sa mga kinatawan ng iba’t ibang bansa kahit sa neutral na lokasyon, ngunit mahalaga pa rin umano ang pagkilala sa Ukraine bilang pangunahing apektadong bansa sa sigalot.

Nauna nang sinabi ni Zelensky na may planong pagbisita sana sa Ukraine ang mga naturang opisyal noong Abril, ngunit hindi ito natuloy dahil sa pagtuon ng Estados Unidos sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang sigalot sa pagitan ng U.S., Israel, at Iran.

Advertisement

Sa kabila ng tensyon sa diplomatikong aspeto, iginiit ni Zelensky ang kahalagahan ng patuloy na kooperasyon sa Estados Unidos sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan.

Samantala, nananatiling deadlock ang negosasyon sa pagitan ng Ukraine at Russia, kabilang ang mga isyu sa ceasefire, military arrangements, at ang status ng Donbas region, habang patuloy ang panawagan ng Kyiv para sa mas aktibong partisipasyon at mas malinaw na suporta sa usaping pangkapayapaan.

Advertisement