Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng siyam na bus units ng isang kumpanya matapos ang nakamamatay na road crash sa Pagbilao, Quezon noong Abril 20 na ikinasawi ng dalawang pasahero at ikinasugat ng 31 iba pa.
Ayon sa LTFRB, agad silang naglabas ng 30-araw na suspensyon laban sa mga unit ng Delmonte Motor Works, Inc. kasabay ng pag-isyu ng show cause order (SCO) upang bigyan ng pagkakataon ang kumpanya na magpaliwanag sa insidente.
Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na kailangang ipaliwanag ng operator kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) bilang bahagi ng due process.
Nag-ugat ang insidente sa kahabaan ng national road sa Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao. Ayon sa LTFRB, posibleng paglabag ito sa mga regulasyon ukol sa ligtas na pampublikong transportasyon.
Bukod sa bus na sangkot sa aksidente, sinuspinde rin ang walo pang unit ng kumpanya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Inatasan din ang operator na magsumite ng maintenance records at isasailalim sa roadworthiness inspection ang lahat ng bus units.
Ang driver ng bus ay inatasan ding sumailalim sa drug test at seminar ukol sa public safety.
Nakatakda ang unang pagdinig sa kaso sa Mayo 7. Nagbabala ang LTFRB na posibleng patawan ng multang P5,000 ang kumpanya sakaling hindi sumunod sa show cause order.














