Iginagalang ngunit hindi sinasang-ayunan ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang naging desisyon ni dating Bise Presidente at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo na hindi tumakbo sa anumang pambansang posisyon sa halalan sa 2028, ayon sa kanyang pahayag nitong Martes.
Ayon kay Pangilinan, bagama’t nirerespeto nila ang pasya ni Robredo, naniniwala siyang mas makabubuti sa pambansang interes kung muling pag-iisipan nito ang desisyon at dinggin ang panawagan ng publiko na pamunuan ang laban para sa maayos na pamamahala.
Binigyang-diin ng senador na si Robredo umano ang may pinakamalaking kakayahan na pag-isahin hindi lamang ang Liberal Party at mga kaalyado nito, kundi pati na rin ang iba’t ibang grupo at personalidad mula sa labas ng kanilang hanay. Dagdag pa niya, patuloy na tumataas ang antas ng suporta kay Robredo batay sa mga survey, na maaaring humantong sa mas malawak na koalisyon kung sakaling magbago ang kanyang pasya.
Sinabi rin ni Pangilinan na mas mataas ang nakukuhang suporta ni Robredo sa kasalukuyan kumpara noong 2022, kaya posible umanong makabuo ng mas malaki at inklusibong alyansa na maaaring magdala sa tagumpay sa 2028.
Gayunman, nagbabala ang senador na ang hindi pagtakbo ni Robredo sa mas mataas na posisyon ay maaaring magdulot ng “leadership vacuum” sa oposisyon, na posibleng humantong sa pagkakahati-hati ng mga partido at grupo. Aniya, maaaring magresulta ito sa paghahain ng iba’t ibang kandidato sa pagkapangulo na magpapahina sa kanilang tsansa laban sa mga kalaban.
Sa kabila ng pagtanggi sa pambansang posisyon, inihayag ni Robredo ang plano nitong muling tumakbo bilang alkalde ng Naga City sa 2028.
Matatandaang tumakbo si Robredo bilang pangulo noong 2022 kasama si Pangilinan bilang kanyang bise presidente, ngunit natalo sila kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte. Noong 2025, nahalal si Robredo bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Naga City, Camarines Sur.














