Umabot na sa higit P98 milyon ang naipamahaging fuel subsidy sa mga taxi operator at driver sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa pahayag ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, malaking bahagi ng cash assistance ang naipamahagi sa Central Office sa Quezon City, na sinundan ng mga rehiyon ng Davao, Central Visayas, at Western Visayas.

Sinabi ni Mendoza na patuloy ang koordinasyon ng ahensya sa mga transport service entities at operators upang matiyak ang maayos at mabilis na distribusyon ng ayuda, lalo na sa mga lugar na may malalaking lungsod.

Ipinag-utos din ang pagpapabilis sa pamamahagi ng natitirang subsidy sa iba pang public utility vehicle drivers alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Advertisement

Dagdag pa ng LTFRB, nakatakda ang karagdagang payout sa Abril 24 at 25 sa Quezon City para sa patuloy na pamamahagi ng fuel subsidy sa mga benepisyaryo.

Tiniyak ng ahensya na may sapat na pondo at ginagawa ang lahat ng hakbang upang agad itong maiparating sa mga karapat-dapat na tumanggap.

Hinikayat din ng LTFRB ang mga benepisyaryo na makipag-ugnayan sa kanilang hotline at social media channels para sa anumang concern kaugnay ng distribusyon ng ayuda.

Advertisement