Maglalaan ang United Kingdom ng hanggang £660 million para sa France sa loob ng tatlong taon bilang bahagi ng bagong kasunduan na naglalayong pigilan ang pagdami ng illegal migrant crossings sa English Channel.
Ayon sa mga opisyal, gagamitin ang pondo upang palakasin ang seguridad sa baybayin ng northern France, kung saan libo-libong migrante ang nagtatangkang tumawid patungong UK.
Batay sa datos, umabot sa humigit-kumulang 41,000 katao ang tumawid sa Channel noong 2025, na halos kapantay ng naitalang record noong 2022.
Sa ilalim ng kasunduan, £500 million ang ilalaan para sa pagpapalakas ng enforcement operations, kabilang ang pag-deploy ng halos 1,100 tauhan mula sa pulisya, intelligence, at militar sa mga coastal areas.
Ang natitirang £160 million ay ilalabas lamang kung mapapatunayang epektibo ang mga hakbang sa pagbawas ng crossings. Maaari rin itong itigil matapos ang isang taon kung hindi makakamit ang target.
Papalitan ng bagong kasunduan ang naunang three-year agreement noong 2023 na nagkakahalaga ng humigit-kumulang £480 million.
Kabilang sa mga hakbang ang pagbuo ng 50-kataong riot police unit, pagpapalawak ng intelligence at judicial teams, at pagdaragdag ng maritime patrols gamit ang drones, dalawang helicopter, at upgraded camera systems.
Magdadagdag din ang France ng bagong patrol vessel at mahigit 20 maritime officers upang mas mahigpit na mabantayan ang mga bangkang ginagamit sa pagtawid.
Ayon sa UK government, nakapigil na ang pinagsamang operasyon ng dalawang bansa sa mahigit 42,000 iligal na crossings mula nang maupo ang Labour government sa pamumuno ni Prime Minister Keir Starmer noong Hulyo 2024.














