Naglabas ang Sandiganbayan ng precautionary hold departure order laban kay dating Speaker Martin Romualdez kaugnay ng mga kasong plunder, graft, indirect bribery, at money laundering na may kaugnayan umano sa maanomalyang flood control projects at budget insertions.
Ayon sa Seventh Division ng Sandiganbayan, pinagbigyan ang petisyon ng Office of the Ombudsman na inihain ngayong linggo upang pigilan si Romualdez na makaalis ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga kaso laban sa kanya.
Sa kautusan ng korte, nakasaad na may probable cause “to believe that respondent (Romualdez) will depart from the Philippines to evade arrest and prosecution of crime/s being charged against him.” Dahil dito, inatasan ang Bureau of Immigration commissioner na pigilan ang kanyang pag-alis at isama ang pangalan nito sa hold departure list.
Ang precautionary hold departure order ay maaaring ipataw laban sa mga respondent na itinuturing na flight risk habang isinasagawa pa ang preliminary investigation ng kaso.
Nauugnay ang kaso sa patuloy na imbestigasyon ng Ombudsman sa umano’y anomalya sa flood control projects at mga sinasabing iregularidad sa national budget insertions kung saan daw nasangkot si Romualdez.
Samantala, lumalabas na nais sanang bumiyahe ng dating Speaker sa Singapore para sa medical check-up matapos ang naunang angioplasty surgery, na umano’y inaprubahan ni Speaker Faustino Dy III.













