Layon ni Senador Paolo “Bam” Aquino IV na amyendahan ang umiiral na Anti-Drunk and Drugged Driving Act sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2068 kasunod ng ulat ng 255% na pagtaas ng mga kaso ng drunk driving sa bansa kumpara noong nakaraang taon.
Binanggit ng senador ang kaso ni Kingston Ralph Ko Cheng, isang 23-anyos na biktima ng hit-and-run sa Cebu City noong Pebrero 8, 2026, na sinasabing kinasangkutan ng isang 21-anyos na suspek. Ayon sa pamilya ng biktima, nahihirapan silang makamit ang hustisya dahil sa umano’y delay sa alcohol testing na nagdudulot ng pagkawala ng ebidensya.
Sa ilalim ng panukala, ibababa ang blood alcohol concentration (BAC) limits sa 0.02% para sa mga novice at professional drivers at 0.03% naman para sa mga pribadong motorista. Itatakda rin ang “implied consent,” kung saan ang pagkakaroon ng lisensya ay nangangahulugang pagsang-ayon sa alcohol at drug testing kapag hinihingi ng batas.
Iminumungkahi rin ang mandatory chemical testing sa loob ng dalawang oras matapos ang insidente, pati ang paggamit ng retrograde extrapolation upang matantiya ang antas ng alkohol sa oras ng pagmamaneho kahit na delayed ang test.
Bukod dito, bahagi rin ng panukala ang rehabilitasyon para sa mga lumalabag, kabilang ang pagdalo sa alcohol safety programs at pag-install ng ignition interlock devices para sa mga paulit-ulit na offender.














