Inakusahan ni Russian Foreign Minister Sergei Lavrov ang Estados Unidos ng pag-abandona sa mga kinikilalang international diplomatic conventions upang isulong ang sariling interes, partikular sa pagkontrol ng global energy markets.

Sa isang panayam sa state television ng Russia, iginiit ni Lavrov na ang United States ay kumikilos umano nang walang pagsasaalang-alang sa international law, lalo na sa pakikitungo nito sa Latin America at Gitnang Silangan. Ayon sa kanya, tila ibinabalik nito ang mundo sa panahong hindi sinusunod ang mga umiiral na batas sa pandaigdigang ugnayan.

Sinabi rin niya na inuuna lamang ng Amerika ang sariling kapakanan at handang gumamit ng iba’t ibang paraan—kabilang ang umano’y coups, kidnappings, at pagpaslang sa mga lider ng bansang may likas na yaman—upang makamit ang layunin nito.

Binanggit din ni Lavrov ang mga isyu sa Venezuela at Iran, na aniya’y may kaugnayan sa interes ng Estados Unidos sa langis at dominasyon sa global energy markets.

Advertisement

Bukod dito, inakusahan niya ang Washington na pinipilit ang Europa na umiwas sa Russian energy sources, kabilang ang pagtalikod sa Nord Stream pipeline, at sinabing ito ay bahagi ng mas malawak na estratehiya upang itulak ang Russia palabas ng pandaigdigang merkado ng enerhiya.

Tinuligsa rin ni Lavrov ang ganitong uri ng polisiya, na aniya’y kahalintulad ng pagbabalik sa “colonial era,” at iginiit na dapat ding igalang ang interes ng Russia sa anumang posibleng kooperasyon sa hinaharap.

Advertisement