Isinusulong ni Win Gatchalian ang pagpapalawak ng saklaw ng paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang matulungan ang mga local government units na mapabuti at mapatatag ang paghahatid ng edukasyon sa kanilang mga nasasakupan.

Ayon kay Gatchalian, layunin ng kanyang panukala na mas magamit ang SEF para sa mga pangunahing pangangailangan sa edukasyon tulad ng karagdagang silid-aralan, dekalidad na kagamitan sa pagtuturo, at mas malakas na suporta para sa mga guro at mag-aaral.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 53 o 21st Century School Boards Act, maaaring gamitin ang SEF para sa sahod ng mga guro, non-teaching personnel, at child development teachers at workers. Saklaw din nito ang pagbili ng mga aklat, learning materials, at information and communication technology packages.

Isinusulong din ang paggamit ng pondo para sa extension at remedial classes, gayundin ang pagbibigay ng honoraria at allowances sa mga guro at non-teaching personnel para sa mga serbisyong ginagawa sa labas ng regular na oras ng trabaho.

Advertisement

Ayon kay Gatchalian, “Kung mapapalawak natin ang paggamit ng SEF, matutulungan natin ang mga LGUs na iangat ang kalidad ng edukasyon sa kanilang mga lugar.”

Nakasaad din sa panukala na palalakasin ang papel ng Local School Boards sa pagpapatupad ng mga polisiya at programang nakatuon sa kalidad ng edukasyon. Ang magiging batayan ng tagumpay ng mga reporma ay ang National Achievement Test (NAT) scores, student participation rates, at dropout rates.

Advertisement