Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na tutulong ito sa pagtukoy sa mga nasa likod ng pagkalat ng sensitibong personal na impormasyon ng mga imbestigador ng Office of the Ombudsman na nagdulot ng pangamba sa kanilang seguridad.

Sinabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na itinuturing nilang seryoso ang insidente dahil direktang nakakaapekto ito sa kaligtasan ng mga indibidwal na sangkot.

“As an agency that is also involved in investigation and intelligence-gathering, we understand how serious this case is since this involves the safety of the concerned individuals,” ani Nartatez.

Dagdag pa niya, paiigtingin ng PNP ang imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng posibleng responsable, kabilang ang mga external actors at posibleng internal sources mula sa Ombudsman.

Advertisement

“We will look into this case with urgency and with a commitment to run after all those involved,” aniya.

Ayon sa PNP, maaaring maharap sa kaso sa ilalim ng Data Privacy Act at Anti-Cybercrime Prevention Act ang mga nasa likod ng pagtagas ng impormasyon.

Tiniyak din ni Nartatez na handa ang kapulisan na protektahan ang mga opisyal at kawani ng gobyerno laban sa anumang banta sa kanilang seguridad.

“I assure that appropriate charges will be filed against individuals behind this leak of information. The PNP also assures all government officials and employees that the police force is ready to protect them against all kinds of threats to their security,” dagdag niya.

Matatandaang kinondena ng Office of the Ombudsman ang online na paglalantad ng mga pangalan ng kanilang mga imbestigador, na anila ay layuning manakot at ilagay sa panganib ang kanilang seguridad. Nakikipag-ugnayan na rin sila sa National Bureau of Investigation at sa PNP Anti-Cybercrime Group para sa imbestigasyon.

Advertisement