Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na posibleng maging mahirap ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa 2027, sa gitna ng mga panukalang ipagpaliban ang halalan.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, “mukhang magiging mahirap” ang pagsasagawa ng BSKE sa nasabing taon, bagama’t hindi na niya ito detalyadong ipinaliwanag sa kanyang mensahe sa mga mamamahayag.

Nauna nang ipinahayag ng Comelec na mas nais nitong idaos ang BSKE sa kasalukuyang taon upang magkaroon ng sapat na panahon sa paghahanda para sa May 2028 National and Local Elections.

Sa kasalukuyan, nakatakda ang BSKE sa Nobyembre 2, ngunit may mga panawagan sa Kongreso na ipagpaliban ito, kabilang ang mga mungkahing ilipat ang halalan sa 2027.

Advertisement

Ipinahayag din ng Comelec ang kahandaan nitong makilahok sa mga pagdinig ng lehislatura kaugnay ng naturang usapin.

“We will give our full participation during the deliberations of the House of Representatives and Senate versions,” ani Garcia.

Samantala, naghain si Senador Imee Marcos ng Senate Bill No. 2067 na naglalayong ipagpaliban ang BSKE mula Nobyembre 2026 patungong Oktubre 2027, dahil sa mataas na gastos sa biyahe na maaaring makaapekto sa voter turnout.

Advertisement