Nagtaas ng security alert ang U.S. Embassy sa Manila kasunod ng pagkasawi ng dalawang Filipino-American sa engkwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.

Dahil sa insidente, pinayuhan ng embahada ang mga mamamayan ng Estados Unidos na umiwas sa mga lugar na may aktibong operasyong militar, kabilang ang Negros, Leyte, Samar, at Mindoro.

Ayon sa U.S. Embassy, dapat maging maingat ang mga Amerikanong nasa Pilipinas, lalo na sa mga paglalakbay sa mga liblib na lugar, at agad na umalis kung makakakita ng armadong grupo.

Itinuturing ng pamahalaan ng Estados Unidos at Pilipinas ang NPA bilang isang foreign terrorist organization.

Advertisement

Kasabay nito, naglabas din ang embahada ng hiwalay na Demonstration Alert kaugnay ng mga inaasahang Labor Day protest sa Metro Manila.

Pinayuhan ang mga U.S. citizens na umiwas sa malalaking pagtitipon upang maiwasan ang posibleng kaguluhan o hindi inaasahang insidente.

Ayon sa embahada, ang mga naturang paalala ay bahagi ng patuloy na pagpapaigting ng seguridad para sa kanilang mga mamamayan sa bansa.

Advertisement